Liyamadista lupaypay sa Magandang Dilag
MANILA, Philippines — Sabog ang bulsa ng mga liyamadista nang manalo ang Magandang Dilag sa Araw Ng Maynila Gran Copa De Manila Division II noong Linggo ng hapon sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Ratratan sa unahan ang Red Queen, Cluster at Eye In The Sky sa kaagahan ng karera habang ang Magandang Dilag ay hindi nababanggit ng race caller hanggang sa kalagitnaan ng karera.
Papunta pa lang sa far turn ng banggitin ang Magandang Dilag pero nasa pang-anim na puwesto pa ito habang nasa unahan pa rin ang Eye In The Sky.
Pero malakas ang remate ng Magandang Dilag dahil nakakapit agad ito sa Eye In The Sky sa far turn at nakuha ang bandera pagsungaw ng rektahan.
Hindi basta nagpadaig ang Eye In The Sky sa Magandang Dilag sa rektahan nakipagtagisan pa ito ng bilis subalit nanatili ang tikas ng winning horse at nanalo ito ng may tatlong kabayo ang agwat.
Ginabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce, nirehistro ng Magandang Dilag ang tiyempong 1:41.4 minuto sa 1,600 meter race.
Dumating na tersero ang Israel habang pang-apat ang Earli Boating sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
- Latest