Metz training camp
Painit na ang Olympic watch dahil palipad na sa Sabado ang malaking bulto ng Philippine Olympic contingent patungong France.
Lagpas isang buwan bago ang Paris Games opening ceremonies ang pagtapak ng mga Filipino athletes sa France – mahabang lead-off para maka-acclimatize sa weather, atmosphere, venue at iba pa ang ating mga pambato bago tuluyang sumabak sa kompetisyon.
Sa pioneering effort ni Philippine Olympic Committee president Bambol Tolentino, may training camp sa Metz, France na naghihintay sa mga Filipino athletes.
At kasama ng training facilities sa Metz ang mga elite athletes na puwedeng sparring partners ng mga atletang Pilipino.
Isang halimbawa ang siyam na top fencers ang inihandang humarap kay Sam Catantan. Ang siste nga lamang eh, hindi agad makakapasok sa Metz training camp si Catantan dahil may panggagalingang ibang stop.
“Pero we will keep the training partners available para kung sakaling magbago ang schedule ni Sam, nandoon ang mga fencers,” ani Tolentino sa final briefing para sa mga miyembro ng Philippine contingent.
Halos nasa 20 na ang siguradong bilang ng mga Filipino bets na lalaban sa 2024 Paris Games.
Malalaman ang final number sa pagtatapos ng Olympic qualifiers sa mga huling araw ng buwan ng Hunyo.
Pinapangunahan nina pole vaulter EJ Obiena, gymnast Carlos Yulo at boxers Eumir Marcial, Carlo Paalam at Nesthy Petecio ang Team Phl na nakikitang potensyal na bumura sa 1-2-1 gold-silver-bronze haul ng bansa sa nakaraang Tokyo Games.
- Latest