Golden Tigresses mas mabangis sa Finals
MANILA, Philippines — Asahang mas magiging mabangis ang University of Santo Tomas sa oras na tumuntong ito sa finals ng UAAP Season 86 women’s volleyball tournament.
Matagumpay na nasikwat ng Golden Tigresses ang pagkopo sa finals spot matapos hubaran ng korona ang De La Salle University sa bendisyon ng 25-20, 16-25, 25-20, 19-25, 15-7 panalo sa Final Four na ginanap sa Mall of Asia Arena noong Linggo.
Kaya naman malaki ang pasasalamat ng UST dahil muli itong mabibigyan ng pagkakataong maibalik sa España ang korona ng UAAP.
Nagpasalamat din si reigning Best Libero at team captain Detdet Pepito sa mga bashers ng kanilang team na nagsilbing inspirasyon para marating ang kanilang kasalukuyang estado.
“First of all, thank you to our bashers because we use them as inspiration,” ani Pepito.
Aminado si Pepito na marami ang nagduda sa kakayahan nila bago pa man magsimula ang torneo.
At ang kanilang pagpasok sa finals ang magsisilbing patunay na may ibubuga ang Golden Tigresses.
“Right from our first game this season, there were a lot of people who were looking down on us, saying ‘this team won’t make it’, but in our first game, we saw the capabi-lity of the team. We really worked hard,” ani Pepito.
Malaki rin ang pasalamat ni Pepito sa mga patuloy na sumusuporta sa kanila lalo na sa mga nasa venue na walang sawang sumisigaw upang bigyan ng lakas ng loob ang kanilang koponan.
Hihintayin pa ng UST ang mananalo sa pagitan ng National University at Far Eastern University sa do-or-die semis sa Miyerkules.
- Latest