Magic pumuwersa ng Game 7 sa Cavs

Ginawang asintahan ni Paolo Banchero ng Magic si Marcus Morris Sr. ng Cavaliers sa Game 6.
STAR/ File

ORLANDO, Fla. -- Humugot si Paolo Banchero ng 10 sa kanyang 27 points sa fourth quarter para gabayan ang Magic sa 103-96 pagdaig sa Cleveland Cavaliers sa Game Six at itabla sa 3-3 ang kanilang Eastern Confe­rence first-round playoff series.

Nakatakda ang Game Seven sa Lunes sa Cleveland kung saan ang mananalo ang maghahamon sa Boston Celtics sa best-of-seven semifinals showdown.

Umiskor si Franz Wagner ng 26 points habang may 22 markers si Jalen Suggs tampok ang anim na 3-pointers para sa Magic na kinuha ang 92-89 bentahe sa dulo ng fourth quarter.

Nagbagsak si Donovan Mitchell ng 50 points sa panig ng Cavaliers na nakahugot kay Darius Garland ng 21 markers.

Naglalaro ang Orlando sa una nilang playoffs si­mula noong 2020 at hangad ang unang series win sa nakaraang 14 taon.

Sa Dallas, kumolekta si Luka Doncic ng 28 points at 13 assists sa 114-101 pagsibak ng Mavericks sa Los Angeles Clippers sa Game Six papasok sa Western Conference semifinals.

Lalabanan ng Dallas, tinapos ang serye sa Los Angeles sa 4-2, sa semis ang top seed Oklahoma City Thunder.

Show comments