Pacers kontra Knicks sa Eastern Conference semis

INDIANAPOLIS — Bu­manat si Obi Toppin ng 21 points, habang may 20 markers si T.J. McConnell para sa 120-98 pagsibak ng Indiana Pacers sa Milwaukee Bucks sa Game Six patungo sa Eastern Confe­rence semifinal round.

Tinapos ng Pacers ang kanilang first-round series ng Bucks sa 4-2 para umabate sa semifinals sa unang pagkakataon matapos noong 2014.

Lalabanan ng Indiana sa best-of-seven semis series ang New York Knicks na dinispatsa ang Philadelphia 76ers, 4-2, sa opening round.

Nagtala si Tyrese Haliburton ng 17 points, 10 assists at 6 rebounds, habang may 19 markers at 7 boards si Pascal Siakam para sa Indiana.

Nagbalik sa aksyon si Damian Lillard at bumato ng 28 points sa panig ng Milwaukee.

Nagdagdag sina Bobby Portis Jr. at Brook Lopez ng tig-20 points kasunod ang 14 markers ni Khris Middleton.

Hindi ulit naglaro si two-time league MVP Giannis Antetokounmpo matapos magkaroon ng strained left calf noong Abril 9.

Ang back-to-back 3-pointers ni McConnell ang nagtampok sa 11-0 ata­ke ng Pacers para ibaon ang Bucks sa 96-78 sa pagsisimula ng fourth quarter.

Sa Philadelphia, isinalpak ni Josh Hart ang isang go-ahead 3-pointer sa hu­ling 24.4 segundo para tu­­lungan ang Knicks sa 118-115 pagtakas sa 76ers sa Game Six at pumasok sa semifinals.

Tumapos si Hart na may 16 points, habang kumolekta si Jalen Brunson ng 41 points at 12 assists para sa 4-2 pagtiklop ng New York sa kanilang ser­ye ng Philadelphia.

Nag-ambag si Donte DiVincenzo ng 23 points para sa Knicks na nagtayo ng 22-point lead sa first pe­riod.

Humakot si 2023 NBA MVP Joel Embiid ng 39 points at 13 rebounds para sa 76ers.

Show comments