Boss Lady, Hans City sa Locally Bred Race

MANILA, Philippines — Sasali ang Boss Lady at Hans City sa 2024 Philracom 3-Year-Old Locally Bred Stakes Race sa Mayo 19 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.

Bukod sa Boss Lady at Hans City, may 12 tigasing kabayo pa ang nagsaad ng paglahok kasama ang isang reserve entry sa distansyang 1,600 meter race.

Ikakalat sa unang na anim na kabayong tatawid sa meta ang nakalaang guaranteed prize na P500,000.

Ang ibang nagpalista ay ang Ano Noventa Y Seis, Beltuna, Every Sweat Counts, Jeng’s Had Enough, Mae Bell, Malibu Princess, Over Azooming, Shadow Oaks, Simply Jessie, Unli Burn, War Chief at Wolfthreefivenine, habang ang Boss Uno ang nasa reserve list.

Rerendahan ni reigning Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee John Al­vin Guce ang Hans City, habang si class A rider Jeffril Tagulao Zarate ang sasakay sa Boss Lady.

Kukubrahin ng mananalong kabayo ang P300,000, mapupunta sa pangalawa ang P100,000 at ang P50,000, P25,000, P15,000 at P10,000 ang ibibigay sa third hanggang sixth placers, ayon sa pagkakahilera.

Magbubulsa rin ang breeder ng mananalong kabayo ng P25,000, habang P15,000 at P10,000 ang tatanggapin ng second at third finishers, ayon sa pagkakasunod, sa event na suportado ng Philippine Racing Commission.

Samantala, ilalarga rin sa parehong petsa ang first leg ng Triple Crown Championship na lalahukan ng pitong mahuhusay na batang kabayo kaya tiyak na masisiyahan ang mga karerista.

Show comments