Lyceum babangon vs Mapua

MANILA, Philippines — Nais nina Jaja Tulang at Joan Doguna na ibangon kaagad ang Lyceum of the Philippines sa pagharap ni­la sa Mapua University sa NCAA Season 99 wo­men’s volleyball tournament sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.

Tangan ang 6-1 record, magpapaluan ang Lady Pi­rates at Lady Cardinals nga­yong alas-2 ng hapon pagkatapos ng banatan ng Arellano Lady Chiefs at Emilio Aguinaldo College Lady Generals sa alas-10 ng umaga.

Namantsahan ang malinis na karta ng Lyceum no­ong Martes matapos si­lang tuhugin ng kapit-bahay na Letran Lady Knights, 24-26, 25-20, 25-22, 25-22.

Nasa pangalawang pu­westo pa rin ng team standings ang Lyceum, solo naman sa tuktok ang defending champions St. Benilde na may perfect 8-0 record.

Sina Tulang at Dogu­na ang kumana sa opensa para sa Lady Pirates nang matalo sila sa Lady Knights kung saan nagtala si Tulang ng 19 points mula sa 14 attacks at limang blocks.

Inilista nina Doguna at rookie middle blocker Hiromi Osada ang 14 at 12 markers, ayon sa pagka­kasunod.

Naka-puwesto sa No. 4 ang Lady Cardinals hawak ang 4-3 karta at kasalo La­dy Chiefs.

 

Show comments