Flying Titans lalapit sa finals

Sasandigan ng Petro Gazz ang tandem nina Brooke Van Sickle at MJ Phillips laban sa Creamline.
PVL

MANILA, Philippines — Matapos gantihan ang kanilang sister team ay tatargetin ng Choco Mucho ang finals berth sa pagsagupa sa Chery Tiggo sa single-round robin semifinal round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference.

Haharapin ng Flying Titans ang Crossovers ngayong alas-6 ng gabi matapos ang banggaan ng Petro Gazz Angels at nagdedepensang Creamline Cool Smashers sa alas-4 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Tinapos ng Choco Mucho ang 12-0 dominasyon sa kanila ng utol na Creamline simula noong 2019 PVL Open Confe­rence makaraang itakas ang 13-25, 19-25, 25-21, 25-20, 18-16 panalo noong Martes.

“Iyon naman talaga iyong goal namin every time na ganitong sitwasyon. Kailangan namin trabahuhin talaga bawat puntos,” sabi ni coach Dante Alinsunurin.

Hangad ng tropa ni Alinsunurin ang pagbabalik sa PVL finals matapos matalo sa Cool Smashers noong 2023 All-Filipino Conference championship round.

Nakalasap naman ang Chery Tiggo ng 25-20, 21-25, 15-25, 16-25 pagkatalo sa Petro Gazz na tumapos sa kanilang seven-game winning streak.

Sa unang laro, target ng Gazz Angels ang pang-pitong sunod na ratsada sa pagharap sa Cool Sma­shers patungo sa finals.

“Coming to the next game, I’ll just try to stay aggressive,” ani Fil-Am Brooke Van Sickle na humataw ng game-high 21 points mula sa 18 attacks, dalawang blocks at isang ace sa panalo ng Petro Gazz sa Chery Tiggo.

 

Show comments