Batang Manda liyamado sa laban
MANILA, Philippines — Inaasahang malaking suporta sa liyamadista ang makukuha ng Batang Manda pag-arangkada nito sa 2024 Philracom Road to Triple Crown Stakes Race bukas sa Metro Turf, Malvar-Tanauan City, Batangas.
Gagabayan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year Patty Ramos Dilema ang Batang Manda ni Benjamin Abalos.
Ang ibang nagsaad ng pagsali sa distansyang 1,600 meter race ay ang Added Haha, Ghost, Heartening To See, Jeng’s Had Enough, Over Azooming at Sting.
Nakalaan sa event ang premyong P1 milyon na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta.
Magbubulsa ang mananalong kabayo ng P600,000.
Posibleng magpakitang-gilas ang kalahok na Ghost na sasakyan ni reigning PSA-JoY John Alvin Guce.
Hahamigin ng second placer ang P200,000, mapupunta ang P100,000 sa pangatlo, habang ang P50,000, P30,000 at P20,000 ay ibibigay sa fourth hanggang sixth placers, ayon sa pagkakahilera.
Mag-uuwi ang breeder ng mananalong kabayo ng P50,000 kasunod ang P30,000 para sa second at P20,000 para sa third finisher.
Samantala, papasanin ng fillies ang 52 kilograms, habang 54 kilograms ang kakargahin ng colts.
Tiyak na naghahanda na nang todo ang mga kabayong sasali upang makuha ang inaasam na premyo.
- Latest