Crossovers pinalamig ang Cool Smashers
MANILA, Philippines — Winakasan ng Chery Tiggo ang 19-game winning streak ng nagdedepensang Creamline mula sa 25-18, 26-24, 25-23 pananaig sa 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Bumanat si Eya Laure ng 14 points mula sa 12 attacks at 2 service aces para sa 3-2 kartada ng Crossovers, habang may 12 at 1 markers sina Cza Carandang at Ara Galang, ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag si Jen Nierva ng 20 digs at 10 excellent receptions para tapusin ang kanilang two-game losing skid.
“We had two days na team bonding and I think that really helped the team to win this game,” wika ni Nierva sa koponan ni coach Kungfu Reyes.
Binuksan ng Crossovers ang torneo mula sa mga panalo sa baguhang Capital1 Solar Energy at Strong Group Athletics bago yumukod sa Choco Mucho at Farm Fresh.
Namantsahan naman ang dating malinis na 4-0 marka ng Cool Smashers na nakahugot kina Jema Galanza at Tots Carlos ng 13 at 12 points, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang unang kabiguan ng Creamline matapos matalo sa Petro Gazz noong 2019 Reinforced Conference elimination round.
- Latest