Creamline sinolo ang pamumuno sa PVL
MANILA, Philippines — Madaling iniligpit ng nagdedepensang Creamline ang Strong Group Athletics, 25-13, 25-13, 25-19, para masolo ang liderato ng 2024 PVL All-Filipino Conference kahapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Dumiretso ang Cool Smashers sa pagtatayo ng imakuladang 4-0 record at inihulog ang Athletics sa 0-4 marka.
Humataw si Bernadeth Pons ng 12 points mula sa 10 attacks at 2 aces, habang nag-ambag si Alyssa Valdez ng 9 markers tampok ang 8 attacks at 1 ace para sa Creamline.
“Satisfied naman ako sa galaw ng mga players ngayon. Talagang nag-trabaho sila para makuha iyong panalo,” ani coach Sherwin Meneses.
Pinamunuan ni Dolly Verzosa ang SGA sa kanyang 8 points kasunod ang tig-6 markers nina Justine Rebleza at Sheeka Espinosa.
Matapos kunin ang first set, 25-13, ay itinayo ng Cool Smashers ang 15-1 bentahe sa second set.
Sa third frame ay nakalapit ang Athletics sa 18-22, habang nagtuwang sina Pons at Dij Rodriguez para tapusin ang laro sa 25-19.
- Latest