SMB kampeon!
MANILA, Philippines — Tuluyan nang inangkin ng San Miguel ang kanilang pang-29 korona. Tinapos ng Beermen ang Magnolia Hotshots, 104-102, sa Game Six ng Season 48 PBA Commissioner's Cup Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Itiniklop ng San Miguel sa 4-2 ang kanilang best-of-seven championship series ng Magnolia para makopo ang titulo na huli nilang natikman noong 2022 matapos pagharian ang Philippine Cup.
Tatlong krusyal na three-point shots nina Jericho Cruz, Chris Ross at Best Player of the Conference CJ Perez sa dulo ng fourth quarter ang nagbigay sa Beermen ng 103-99 abante sa natitirang 48.7 segundo.
Isinuko ng Hotshots ang naitayong 98-92 bentahe sa 2:25 minuto ng laro mula sa ikaapat na triple ni Paul Lee.
Huling nagbanta ang Magnolia sa 102-103 galing sa tres ni Aris Dionisio sa nalalabing 20.1 segundo kasunod ang free throw ni Cruz sa huling 1.6 segundo para selyuhan ang panalo ng SMB.
- Latest