National shooters sasalang sa mga OQT
MANILA, Philippines — Gagawin ng Philippine National Shooting Association (PNSA) ang lahat para makakuha ng tiket sa 2024 Paris Olympic Games.
Ito ang tiniyak ni PNSA secretary-general Iryne Garcia kahapon sa Philippine Sportswriters Association Forum na idinaos sa Rizal Memorial Sports Complex.
“We’ve been trying to join all the qualifying events,” wika ni Garcia kasama sina shooters Amparo Acuna ng rifle at Franchette Quiroz ng pistol sa forum na inihahandog ng San Miguel Corporation, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, Milo, SMART/PLDT at ArenaPlus, ang leading sports entertainment gateway sa bansa.
Solidong suporta rin ang ibubuhos ni PNSF president at Rep. Mike Dy sa mga national shooters na naghahangad makalaro sa Paris Olympics.
Kabilang dito si 2020 Tokyo Olympics veteran Jayson Valdez at sina Enrique Enriquez ng skeet, Hagen Topacio ng trap at Bryan Rosario ng skeet.
Si Rosario ay kumampanya sa 2012 London Olympics.
Sasalang sina Acuna at Quiroz sa training sa Germany sa susunod na buwan bago magtungo sa Rio de Janeiro, Brazil para sa ISSF World Olympic Qualification Tournament para sa rifle at pistol sa Abril 11-19.
Nakatakda ang qualifiers para sa shotgun sa Doha, Qatar sa Abril 19-29 na sasalihan ng iba pang Pinoy hopefuls.
- Latest