Durant inilusot ang Suns sa Bulls
PHOENIX— Ipinasok ni Kevin Durant ang game-winning 17-foot jumper sa huling 1.6 segundo para tulungan ang Suns na maitakas ang 115-113 panalo kontra sa Chicago Bulls.
Tumapos si Durant na may 43 points, 8 assists at 6 rebounds para sa Phoenix (25-18) habang may 18 at 16 markers sina Bradley Beal at Devin Booker, ayon sa pagkakasunod.
Pinamunuan ni Coby White ang Chicago (21-24) sa kanyang 26 points at may 21 markers si DeMar DeRozan at humakot si Nikola Vucevic ng 19 points at 17 rebounds.
Bumangon ang Suns mula sa isang 23-point deficit para agawin ang 113-111 abante mula sa triple ni Durant sa huling 29.3 segundo ng fourth period kasunod ang jumper ni DeRozan na nagtabla sa Bulls sa 113-113 sa nalalabing 22.9 segundo.
Sa Dallas, nagkadena si Jayson Tatum ng 38 points at 11 rebounds kasunod ang 35 markers ni Jaylen Brown sa 119-110 panalo ng Boston Celtics (34-10) sa Mavericks (24-19).
Sa Philadelphia, kumamada si Joel Embiid ng franchise-record na 70 points, ang pinakamalaki sa NBA ngayong season, para akayin ang 76ers (29-13) sa 133-123 paggupo sa San Antonio Spurs (8-35).
Sa Detroit, nagposte si Giannis Antetokounmpo ng triple-double na 31 points, 17 rebounds at 10 assists sa 122-113 pagsuwag ng Milwaukee Bucks (30-13) sa Pistons (4-39).
Sa Minneapolis, naglista si Karl-Anthony Towns ng franchise-record na 62 points sa 128-125 paglusot ng Minnesota Timberwolves (30-13) sa Charlotte Hornets (10-31).
- Latest