Caloocan, Nueva Ecija tuloy ang ratsada sa PSL
MANILA, Philippines — Napanatili ng Caloocan at Nueva Ecija ang kanilang perpektong kartada matapos ang magkahiwalay na panalo sa Pilipinas Super League (PSL) President’s Cup sa Caloocan Sports Complex nitong Martes ng gabi.
Dinaig ng Caloocan ang Shawarma Shack, 71-61, para iposte ang kanilang ikatlong sunod na panalo sa ganoon ding dami ng asignatura.
Bumida si Jeramer Cabanag para sa Supremos matapos magtala ng 19 puntos.
Dinomina ng Caloocan ang rebounding, kung saan kumolekta ito ng 51 boards kumpara sa 17 ng kanilang katunggali.
Nakakuha rin ang Caloocan ng 32 puntos mula sa kanilang bench players kontra sa 19 ng Shawarma Shack.
“I’m happy to handle Caloocan, particularly the former PBA players, because they’re easy to handle. They’re coachable,” sabi ni Supremos head coach Robert Sison. “They really play their roles well.”
Sa unang laro, inangkin ng Nueva Ecija ang kanilang ikalawang dikit na panalo matapos daigin ang Alpha Omega, 81-77.
- Latest