Kouame tumawid na sa France
MANILA, Philippines — Bubuksan ni Ange Kouame ang bagong kabanata ng kanyang karera sa France matapos tulungan ang Gilas Pilipinas na maging hari uli ng Asian basketball.
Ayon sa koponang UB Chartres Metropole ay noong Setyembre pa nila napapirma ng kontrata si Kouame bago opisyal na ianunsyo kasunod ng kanyang pamamayani sa Hangzhou, China.
Malaki ang naging bahagi ni Kouame sa pambihirang kampanya ng Gilas sa Asian Games upang mawakasan ang 61-taong pagkakagutom sa gintong medalya.
Ang 6-foot-11 naturalized player ang nagsilbing anchor ng depensa ng Gilas lalo na kontra sa Jordan sa finals tungo sa 70-60 panalo.
Sumikwat siya ng 14 puntos, 11 rebounds, 5 steals at 2 blocks dagdag pa ang depensa sa ace big man ng Jordan na si Ahmad Al Dwairi. Sa kabuuang, nag-rehistro siya ng 7.4 puntos, 6.1 rebounds, 1.6 steals at 1.1 blocks sa pitong laro.
Si Kouame ang pinakabagong Gilas big man na susubok sa overseas matapos tumungo sa Japan sina Kai Sotto at AJ Edu.
Bago maging naturalized player ng Gilas sa Asian Games ay naglaro din bilang reinforcement ng Rain or Shine si Koaume sa William Jones Cup bukod pa ang dominasyon sa UAAP bilang dating Ateneo big man.
Tatlong kampeonato ang nadala ni Kouame sa Blue Eagles tampok pa ang Finals MVP noong Season 85 at Season MVP noong Season 84. Kampeon din siya sa Filoil, PCCL at PBA D-League.
- Latest