Chrome Bell, Cluster sasalang sa Hopeful Stakes Race
MANILA, Philippines — Magkakasubukan ang Chrome Bell at Cluster pagtakbo sa 2023 Philracom Hopeful Stakes Race na ilalarga sa Hulyo 15 sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Mga mahuhusay ang Chrome Bell at Cluster pero posibleng mabigyan sila ng magandang laban ng ibang katunggali sa 2,000 meter race.
Rerendahan ni dating Philippine Sportswriters Association (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez ang Chrome Bell, habang si AM Bufete ang sasakay sa Cluster.
Inaasahang magpapakitang gilas din ang kalahok na Prime Billing na gagabayan ni dating PSA Jockey of the Year Patty Ramos Dilema.
Maliban sa Chrome Bell, Cluster at Prime Billing, ang ibang makikipagtagisan ng bilis ay ang Badboy MJ, Glamour Girle, Grand Monarch at Winner Parade.
Nakalaan ang garantisadong premyo na P1.5 milyon na ikakalat sa unang anim na kabayong tatawid sa meta sa event na suportado ng Philippine Racing Commission (Philracom).
Hahamigin ng mananalong kabayo ang P900,000, mapupunta sa second at third placers ang P300,000 at P150,000, ayon sa pagkakasunod at tig-P75,000, P45,000 at P30,000 ang fourth, fifth at sixth.
May ibubulsa rin ang breeder ng winning horse na P75,000, habang P45,000 at P30,000 sa second at third, ayon sa pagkakasunod.
- Latest