Tamayo out na sa Gilas
MANILA, Philippines — Nabawasan agad ng kawal ang 21-man Gilas Pilipinas pool sa pag-arangkada ng training camp nito para sa 2023 FIBA World Cup kamakalawa ng gabi sa Meralco Gym.
Ayon kay head coach at program director Chot Reyes, nag-beg off si Carl Tamayo dahil sa iniindang knee injury na nagpanipis agad sa ngayon ay 20-man Gilas pool na lang.
Bagama’t hindi seryoso ang injury, kailangan aniya ni Tamayo na mag-therapy at hindi sigurado kung magiging 100% sa kabuuan ng training camp kaya umatras na lang ito.
Isa lamang ang pagpull-out ni Tamayo, na dating player ng UP sa UAAP bago mag-pro sa Japan para sa champion na Ryukyu Golden Kings, sa problema ng Gilas tampok lang ang 10 manlalaro sa practice nitong Lunes.
Ito ay sina CJ Perez, Japeth Aguilar, June Mar Fajardo, Chris Newsome, Thirdy Ravena, Kiefer Ravena, Chris Newsome, Rhenz Abando, Poy Erram, AJ Edu at naturalized player Ange Kouame.
At dahil may mga iniinda ring minor injuries sina Edu at Erram ay hindi man nalang nakapag 5-on-5 scrimmage ang Gilas na nauna nang ni-reschedule ang practice mula noong nakaraang linggo nang magpulong muna ang koponan.
Bagama’t dumalo noong nakaraang linggo ay wala sa practice kamakalawa sina Scottie Thompson, na may lagnat, at pati na ang iba pang injured players na sina Ray Parks, Calvin Oftana at Roger Pogoy.
Hinihintay pa ng Gilas ang iba pang pool members na sina Dwight Ramos, Jordan Heading, Jamie Malonzo at Justin Brownlee, na resident import ng Ginebra sa PBA bago mag-debut bilang Gilas naturalized player sa Asian Qualifiers.
Sasalang ang Gilas sa closed-door training camp ngayong linggo sa Laguna bago lumipad pa-Europa para sa international training camp.
Nauna nang inanunsyo ng Gilas na hindi muna makakasama sa Europe camp ng Gilas sina Kai Sotto at NBA ace Jordan Clarkson.
- Latest