High Speed Hitters taob sa Cargo Movers
MANILA, Philippines — Mabilis na nakabangon ang F2 Logistics sa mabagal na simula para kubrahin ang 20-25, 25-22, 25-18, 25-17 panalo kontra sa PLDT Home Fibr sa Game 1 ng best-of-three, bronze medal series sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nagsanib-puwersa sina opposite hitter Kim Kianna Dy at middle blocker Aby Maraño para tulungan ang Cargo Movers na makalapit sa podium finish.
Kumana si Dy ng 20 puntos mula sa 15 attacks, tatlong blocks at dalawang aces habang nagdagdag naman si Maraño ng 19 puntos kabilang ang limang blocks.
“Ang mindset ko wala akong doubt. Everytime na ibibigay sa akin ang bola alam ko na mapapatay ko kasi madaming naniniwala sa loob,” ani Maraño.
Dikdikan ang laban sa attacks kung saan may 48 hits ang Cargo Movers laban sa 47 ng High Speed Hitters.
Subalit pinatunayan ng F2 Logistics na sila ang best blocking team matapos maglatag ng 18 blocks tampok ang anim mula kay outside hittter Ara Galang.
Maliban sa net defense, solido rin ang floor defense ni Galang na may 18 digs at 18 receptions kasama ang kanyang kabuuang 13 puntos na naitala.
Nakatuwang ni Galang sa depensa si libero Dawn Macandili na may 27 digs at 10 receptions.
Nagdagdag si middle blocker Majoy Baron ng siyam na puntos habang nakalimang puntos naman si open spiker Myla Pablo para sa Cargo Movers.
Nanguna para sa PLDT sina Jules Samonte at Dell Palomata na naglista ng tig-14 puntos habang may 13 na nai-ambag si Jovielyn Prado.
Nalimitahan si Mika Reyes sa limang puntos habang may anim naman si Michelle Morente sa hanay ng High Speed Hitters.
Susubukan ng Cargo Movers na maipormalisa ang pagkopo sa bronze medal sa pagsambulat ng Game 2 ng serye sa Martes sa parehong venue.
“Hindi pa rin kami pwede mag-relax, kailangang mas maging agresibo pa kami dahil talagang gusto namin. I don’t mind kung anong points ang naibigay ko sa team, ang importante panalo,” dagdag ni Maraño.
- Latest