Balik-hardcourt si Ildefonso

MANILA, Philippines — Kalabaw lang ang tumatanda.
Iyan ang patutunayan ng alamat na si Danny “The Demolition Man” Ildefonso sa kanyang biglaang pagbabalik sa PBA upang maglaro sa Converge FiberXers.
Edad 46 anyos na si Ildefonso na in-activate sa line-up kahapon bilang ika-15 na player ng FiberXers, kung saan din siya nagsisilbing assistant coach.
Ayon sa memorandum ng PBA ay eligible na agad maglaro ngayong araw sa idinaraos na 2023 Governors’ Cup si Ildefonso kontra sa Meralco na siya ring huling naging koponan niya bago magretiro noong 2015.
Isa si Ildefonso, tubong Urdaneta, Pangasinan, sa maituturing na pinakamagaling na manlalaro sa kasaysayan ng bansa bilang miyembro ng 40 Greatest PBA Players matapos ang 17 taong karera.
Produkto ng National U, pumasok sa PBA si Ildefonso noong 1998 bilang top overall pick ng Shell bago mapunta sa San Miguel, kung saan siya naging haligi sa loob ng 15 taon.
- Latest






















