Santos sinilat si Torres-Sunang
MANILA, Philippines — Sumikwat ng dalawang gintong medalya ang home bet na si Katherine Khay Santos na nagreyna sa centerpiece 100m event para silatin si Marestella Torres-Sunang sa long jump sa unang araw ng 2021 Ayala Philippine Athletics Championships kahapon dito sa Baguio City Athletic Bowl.
Balewala ang halos sabay na events para sa 31-an-yos na Baguio native nang kumaripas sa 12.61 segundo upang sungkitin ang gintong medalya sa women’s 100m run at maging fastest woman ng unang PATAFA national open sa gitna ng pandemya.
Ito ay ilang minuto lang pagkatapos siyang tu-malon ng 6.06 meters sa women’s long jump upang makumpleto ang upset kontra sa four-time Southeast Asian Games gold medalist na si Torres-Sunang.
Nakalundag din ng 6.06 meters si Torres-Sunang subalit sa ikaapat na subok na niya nagawa ito kumpara sa kay Santos na nagawa niya sa unang salang pa lang.
“Dito ako nagsimula sa athletic bowl noong lupa pa lang ito. Ibang-iba ‘yung pakiramdam. Syempre masaya kasi homecourt advantage, nandito ‘yung family and friends ko,” ani Santos na produkto ng University of Baguio.
Dahil sa tagumpay ay namumuro si Santos na ma-kabalik sa national team matapos magwagi ng bronze medal noong 2011 SEAG sa Indonesia.
- Latest