Animam iniwan ang Radnicki para magtungo sa US
MANILA, Philippines — Umalis na pabalik sa United States mula sa Serbia si Jack Animam, ayon sa anunsyo ng kanyang koponan na Radnicki Kragujevac sa First Women’s Basketball League sa Serbia.
“Thanks to Jack for everything she has done in this short time, she was one of the most important players in the senior team,” anang Radnicki matapos ang simpleng sendoff party para kay Animam.
Nagrehistro si Animam ng 20.4 puntos at 14.3 rebounds sa walong salang para sa Radnicki bago madale ng knee injury na dahilan upang hindi siya makalaro sa kanilang huling dalawang laban.
“We wish her a speedy recovery. No goodbyes but see you,” dagdag ng Radnicki na nalaglag sa 4-6 kartada sa pagkawala ni Animam.
Noong Agosto ay pumirma ng kontrata si Animam sa Serbia upang maging unang Filipina import doon kung saan nagpasiklab siya sa sunud-sunod na double-double performances.
Hangard sana ni Animam na maipagpatuloy ang winning culture sa Serbia matapos buhatin ang NU sa UAAP, Shih Hsin University (SHU) sa University Basketball Association (UBA) ng Taiwan at Gilas Women’s team sa Southeast Asian Games.
Nagwagi si Animam ng limang UAAP titles para sa Lady Bulldogs bago pa-ngunahan ang double-gold medals ng Gilas Women sa SEAG at sa undefeated 16-0 UBA title run ang SHU.
Wala pang anunsyo kung ano ang susunod na hakbang sa ni Animam subalit makailang ulit na nitong ipinahayag ang hangaring makapasok sa WNBA bilang unang Pinay player din doon.
- Latest