Sweep ng Gilas
Nakaulit sa South Korea
MANILA, Philippines — Tinalo uli ng Gilas Pilipinas ang karibal na South Korea, 82-77 upang makumpleto ang malinis na sweep sa 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers na pormal na nagtapos kahapon sa AUF Sports and Cultural Center sa Clark, Pampanga.
Muling bumida si Dwight Ramos na may 19 puntos, tatlong rebounds, limang assists at dalawang steals para sa Nationals na pinatunayang hindi tsamba ang kanilang 81-78 buzzer-beater win sa SoKor noong Miyerkules.
Nakakuha si Ramos ng solidong ambag mula kina Kai Sotto, Jordan Heading at RJ Abarrientos na may tig-10 puntos habang may pitong markers at walong rebounds si naturalized player Ange Kouame.
May walong puntos din si Will Navarro habang may 6-points, 6-rebounds na kontribusyon si Justine Baltazar kabilang na ang bigating dakdak sa huling 25 segundo para sa balanseng atake ng mga bataan ni coach Tab Baldwin.
Bunsod nito ay nagtapos sa tuktok ng Group A ang Gilas hawak ang 6-0 baraha matapos walisin din ang mga ka-grupong Indonesia at Thailand.
Tila statement win ito ng Gilas sa mga Koreano matapos ang pahayag ni SoKor coach Cho Sang Hyun na “lucky shot” lang ang game-winner ni SJ Belangel sa unang panalo ng Pinas.
Pormalidad na lamang ang tagumpay ng Gilas na pasok na sa FIBA Asia Cup kasama ang SoKor na nagtapos sa segunda puwesto. Swak din sa Asia Cup ang Indonesia bilang host ng FIBA Asia Cup proper sa Agosto..
Maliban sa malaking 9-0 simula ng SoKor, dikdikan ang naging laban ng dalawang magkaribal na kinatampukan ng siyam na lead changes bago bahagyang nakawala ang Pilipinas sa second half.
Dikit lang sa 79-77 sa huling 25 segundo, sumandal ang Gilas sa depensa at pambaong free throws nina Ramos at Belangel upang maselyuhan ang rematch sa SoKor.
Tanging si dating PBA import Ricardo Ratliffe, kilala din bilang Ra Guna matapos ang SoKor naturalization, ang bumida sa kalaban sa likod ng 20 puntos, 13 rebounds at tatlong assists.
Didiretso agad ang Gilas sa Serbia para sa FIBA Olympic Qualifying tournament para sa tsansang makalaro sa 2021 Tokyo Olympics.
- Latest