Umpisa na ang play-in
BOSTON — Inasahan ng Celtics na makakapasok sila sa playoffs, samantalang wala naman sa isip ng Washington Wizards na makakasama sila sa play-in tournament sa Eastern Conference.
“Obviously, it’s a place where we didn’t expect ourselves to be, but we’re here. So we’ve got to deal with it and deal with what’s in front of us,” wika ni Celtics guard Marcus Smart.
Sa play-in tournament sa East ay lalabanan ng No. 7 Celtics ang No. 8 Wizards at magtutuos ang No. 9 Indiana Pacers at No. 10 Charlotte Hornets.
Ang mananalo sa Celtics at Wizards ang makakakuha sa No. 7 spot at hahamunin ang No. 2 Brooklyn Nets sa first-round playoffs.
Ang mamalasin ang haharap sa mananaig sa Pacers at Hornets para paglabanan ang No. 8 berth na katapat ang No. 1 Philadelphia 76ers sa first-round playoffs.
Sinabi ni Wizards star guard Bradley Beal na kailangan niyang maglaro kahit may iniindang strained left hamstring sa kanilang laban sa Celtics.
“There’s no setbacks which is good,” sabi ni Beal. “I didn’t injure it any worse than what it was. Obviously it still probably won’t be 100 percent. It is just a matter of managing it as best I can.”
Muling makakatambal ni Beal si Russell Westbrook, ang NBA all-time triple-double king kung saan naglista siya ng 38 ngayong season, sa pagharap ng Wizards sa Celtics.
Pamumunuan ni Jayson Tatum ang Celtics kasama sina Smart, Kemba Walker, Evan Fournier at Tristan Thompson habang sumailaim naman si Jaylen Brown sa operasyon sa kamay (pulso).
Sa play-in matches naman sa Western Conference bukas ay lalabanan ng No. 7 Los Angeles Lakers ang No. 8 Golden State Warriors at magtutuos ang No. 9 Memphis Grizzlies at No. 10 San Antonio Spurs.
- Latest