Champions League tuloy pa rin — PNVF
MANILA, Philippines — Tuloy ang pagdaraos ng Champions League na magtatampok ng pinakamahuhusay na volleyball teams hindi lamang sa National Capital Region maging sa matitikas na koponan sa ibang panig ng bansa.
Ito ang tiniyak ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF) kung saan plano ng asosasyon na pagsama-samahin ang malalakas na teams sa bansa.
Masaya ang PNVF sa pagsasama-sama ng matitikas na koponan sa Premier Volleyball League (PVL) matapos maglipatan ang mga koponan ng Philippine Superliga.
Binubuo ng 12 koponan ang magbabakbakan sa PVL Open Conference na puntiryang simulan sa Mayo 8 sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna.
Kabilang dito ang PSL teams na F2 Logistics, Cignal HD, PLDT Home Fibr, Chery Tiggo at Sta. Lucia Realtors.
Makakasama ng limang tropa ang Creamline, Petro Gazz, BaliPure, Perlas Spikers, Choco Mucho, Philippine Army at ang baguhang UAC.
Ngunit sa kabila nito, nais ng PNVF na ituloy ang Champions League na planong ganapin sa huling bahagi ng taon.
Sa Champions League, hindi lamang ito para sa women’s division dahil kasama rin sa plano ang men’s class.
- Latest
















