Aranas nadiskaril sa ikalawang korona
MANILA, Philippines — Bigong maibulsa ni Zoren James Aranas ang kanyang ikalawang sunod na titulo sa taong ito.
Lumasap ang Pinoy cue master ng 5-9 kabiguan kay Chang Jung-Lin ng Chinese-Taipei sa finals para magkasya sa runner-up honors sa 2020 Diamond Las Vegas 10-Ball Open sa Rio All-Suite Hotel and Casino sa Las Vegas, Nevada.
Nasikwat ni Chang ang $17,000 at hindi naman uuwing luhaan si Aranas na may $10,000 konsolasyon.
Magandang resbak ito para kay Chang matapos umani ng 4-7 kabiguan kay Aranas sa semifinals ng winner’s bracket.
Nahulog sa losers’ column si Chang kung saan tinalo niya si Justin Bergman sa do-or-die semis game para maisaayos ang pakikipagtipan kay Aranas sa finals.
Sunod na masisilayan sa aksyon si Aranas sa darating na 2020 Predator World 10-Ball Championship na idaraos sa parehong venue.
Dahil sa kanyang runner-up finish sa Las Vegas 10-Ball Open ay awtomatikong nakasiguro si Aranas ng puwesto sa World 10-Ball tilt.
Kasama ni Aranas sa nasabing pagsabak sa world meet sina dating world champion Carlo Biado, Johann Chua, Jeffrey Ignacio, Jeffrey De Luna, Dennis Orcollo at Francisco “Django” Bustamante.
- Latest