Bustamante may ibubuga pa
MANILA, Philippines — May asim pa si legendary cue artist Francisco Bustamante matapos angkinin ang titulo sa 2020 Scotty Townsend Memorial One Pocket Championships na ginanap sa West Monroe sa Los Angeles, California.
Hindi nakaporma sa tikas ni Bustamante si Justin Hall ng Amerika sa finals para masungkit ng Pinoy champion ang kanyang unang korona sa taong ito.
Naibulsa ng dating World 9-Ball champion na si Bustamante ang tumataginting na $10,000 cash prize, habang nagkasya lamang sa $6,000 konsolasyon si Hall.
Tumersera si dating world champion Dennis Orcollo para sa $3,000 papremyo kasunod si Jeremy Jones na nag-uwi naman ng $2,000.
Una nang nagkampeon si Orcollo sa 2020 Scotty Townsend Memorial 10-Ball Championships.
Magandang panalo ito para kay Bustamante na nagkasya lamang sa dalawang third-place finishes.
Ito ay sa 2020 Derby City Classic Bigfoot Challenge at 6th Texas Open 10-Ball Championship na parehong ginanap noong nakaraang buwan.
Dahil sa kanyang napanalunan ay umangat na sa ikalimang puwesto si Bustamante sa Az Billiards Money Ranking tangan ang kabuuang $19,640 na nakolekta niya sa season na ito.
- Latest