Terrence kinilalang Mr. Quality Minutes ng PBAPC
MANILA, Philippines – Patuloy ang pagtagay ng parangal ni Terrence Romeo ng San Miguel matapos pangalanang bilang Mr. Quality Minutes para sa 2020 PBA Press Corps Awards Night sa Marso 16.
Mula sa pagiging bona fide starter sa NorthPort at TNT Katropa sa unang bahagi ng kanyang karera, hinagkan ni Romeo ang kanyang role sa Beermen bilang spark mula sa bench patungo sa pagkakasikwat ng naturang parangal.
Isang three-time scoring champion si Romeo sa kanyang mga dating koponan at naging malupit na sixth man sa SMB buhat nang lumipat noong 2018.
Bilang back-up kina Chris Ross, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Arwind Santos at six-time PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo, gumawa ng sariling pangalan si Romeo at naging malaking bahagi ng kampeonato ng Beermen noong 2019 Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Naging Finals MVP pa ang 2013 sixth overall pick noong mid-season conference na siyang pinakamatamis niyang parangal kaysa sa mga individual awards niya.
Samantala, babandera naman ang Rookie of the Year na si CJ Perez ng Columbian sa All-Rookie Team kasama sina Abu Tratter ng Alaska, Javee Mocon ng Rain or Shine, Robert Bolick ng NorthPort at Ray Parks, Jr. ng TNT Katropa.
Pinarangalan si Perez bilang 2019 ROY sa 45th PBA opener at Leo Awards noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Sa PBAPC Awards ay siya rin ang hihiranging PBA Scoring Champion.
Tinanghal na Game of the Season ang triple overtime do-or-die game ng NorthPort at NLEX sa quarterfinals ng 2019 PBA Governors’ Cup.
Nagwagi ang Batang Pier sa naturang laban upang masilat ang No. 1 team na Road Warriors patungo sa semifinals appearance.
Ito rin ang isa sa highest-rated PBA game na umani ng 1.5 million online views matapos ang 3.5 milyon na naitala sa Game Two ng Governors’ Cup finals sa pagitan ng Ginebra at Meralco.
- Latest
















