‘Bata’ Reyes bibigyan ng psa lifetime achievement award
MANILA, Philippines — Matapos sina bowling great Bong Coo at cycling champion Paquito Rivas ay si billiards legend Efren ‘Bata’ Reyes naman ang tatanggap ng parangal.
Nakatakdang igawad sa tinaguriang ‘The Magician’ ang Lifetime Achievement award ng Philippine Sportswriters Association (PSA) sa traditional SMC-PSA Awards Nights sa Marso 6 sa Centennial Hall ng Manila Hotel.
Si Reyes ay ang three-time winner ng PSA Athlete of the Year trophy noong 1999, 2001 at 2006.
Magsisilbi ring special guest speaker ang tubong Mexico, Pampanga sa nasabing gala night na inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), MILO, Cignal TV, Philippine Basketball Association (PBA) at Rain or Shine.
Si Reyes ang ikalawang sunod na atletang magiging guest speaker sa event matapos si Olympic gymnast Bea Lucero noong nakaraang taon.
Pinagkakaguluhan pa rin si Reyes bilang isa sa mga bituin sa Philippine sports sa kabila ng pagiging 65-anyos.
Sa nakaraang 30th Southeast Asian Games ay tumumbok si Reyes ng bronze medal sa men’s carom (1 cushion) para idagdag sa 11 medalya ng koponan sa nasabing biennial meet.
Ang Team Philippines ang gagawaran ng Athlete of the Year award ng pinakamatandang media organization matapos angkinin ang overall championship ng 2019 SEA Games.
Mahaba ang listahan ng mga nakuhang karangalan ni Reyes.
Ilan dito ay ang paghahari sa world championships sa dalawang magkaibang pool disciplines, pag-angkin sa mga korona ng world eight-ball at world nine-ball championships.
Siya rin ang unang non-American na nagwagi sa US Open 9-Ball Championship at naging unang inaugural winner ng World Cup of Pool katuwang ang kumpareng si Francisco ‘Django’ Bustamante.
Si Reyes ang ikinukunsiderang winningest player sa kasaysayan ng Annual Derby City Classic mula sa kanyang limang titulo.
Nakuha niya ang pinakamalaking premyo sa history ng pocket billiards matapos dominahin ang IPT World Open 8-Ball Championship na nagkakahalaga ng $500K.
- Latest