6-golds hatid ng Philippine wushu
Agatha Wong naka-2 ginto
MANILA, Philippines — Maningning na tinapos ng national wushu team ang kampanya nito matapos kumana ng anim pang gintong medalya sa 2019 Southeast Asian Games kahapon sa World Trade Center Hall A sa Pasay City.
Pinakamakislap si Agatha Wong na nakuha ang ikalawang gintong medalya matapos pagreynahan ang women’s taolu taijijian (straight sword) kung saan nasikwat nito ang 9.65 puntos.
Naungusan ni Wong sina Vietnamese Tran Thi Minh Huyen na nagtala ng dikit na 9.63 puntos para magkasya sa pilak na medalya at Brunei Darussalam bet Lachkar Basma na may 9.62 puntos para sa tanso.
“I’ve been through a lot-- injuries, setbacks, failures, and other experiences mentally, emotionally and spiritually as well. But I’m glad that I’m standing here today and have finished the SEA Games on a good note,” ani Wong.
Nauna nang napa-sakamay ni Wong ang gintong medalya sa tajiquan event noong Linggo.
“I got to a point where I’m really tired and I just want to rest for a few days. But it’s not possible because we have to keep on training every day. I endured the pain, blood and sweat,” ani Wong.
Bumanat din ng limang ginto ang Pilipinas sa sanda.
Nakasilat ng ginto sina Divine Wally (48kg women), Jessie Aligaga (48 kg men), Arnel Mandal (52kg men), Francisco Solis (56kg men) at Clemente Tagubara (65 kg men) habang naka-silver naman si Fred Padua (60kg men).
Pinataob ni Wally si Vietnamese Nguyen Thi Chinh sa finals habang nanaig si Aligaga kay Permana Ade ng Indonesia, namayani si Mandal kay Pratama Laksamana ng Indonesia, nanalo si Solis kay Widiyanto Yusuf ng Indonesia at nagwagi si Tabugara kay Suksanguan Kittisak ng Thailand.
Natalo si Padua kay Vietnamese Bui Truong Giang para magkasya lamang sa pilak. (C.Co)
- Latest