Twin kill sa 3x3
MANILA, Philippines — Nagdeliber ng twin kill ang Philippine Gilas 3x3 basketball team upang bigyang kulay ang kampanya ng Pinas sa kasalukuyang 30th Southeast Asian Games.
Panibagong gintong medalya para sa Pilipinas ang ninakaw ng Gilas Pilipinas 3x3 team, nang padapain ng women’s team ang Thailand, 17-13, at men’s team ang Indonesia 21-9, sa 3x3 basketball tournament ng (SEA)Games kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Pinulbos nina CJ Perez, Jason Perkins, Chris Newsome at Mo Tautuaa ang mga nakalaban tungo sa gintong medalya na pinarisan ng women’s team na binubuo nina Afril Bernardino, Jack Animam, Janine Pontejos at Claire Castro para sa dalawang gold na ambag sa produksiyon ng Pinas kahapon.
Simula palang ay ipinamalas ng Gilas men’s ang kanilang dominasyon nang walisin nito ang preliminaries at itarak ang 6-0 na baraha tungo sa semifinals kung saan pinahiya nila ang Thailand 21-11.
Agarang itinarak ng mga Pinoy ang 14-5 na bentahe sa 5:54 minuto at mula rito ay hindi na bumitiw pa ang Nationals.
“I’m extremely grateful for giving a chance to coach this four giant men and represent the country, so it makes me double grateful kasi part of history ‘yung men’s and women’s dito sa SEA Games,” wika ni Gilas men’s coach Ronnie Magsanoc.
Binanderahan ni CJ Perez ang Nationals nang mag-rehistro ito 10 points habang may ambag na 5 marka si Jason Perkins at may 4 at 3 points sina Chris Newsome at Mo Tautuaa, ayon sa pagkakasunod.
Bagama’t hindi nila nawalis ng women’s team ang eliminations ay bumawi naman ang mga ito pagda-ting ng semifinals nang daigin nito ang Vietnam 21-12.
Umariba si Afril Bernardino para itarak ang 11-5 bentahe at nagbanta ang Thailand sa 11-16 ngunit agad namang bumawi ang Nationals at tuluyang inangkin ang panalo.
Samantala, magsisimula naman ang kampanya ng pambansang koponan sa 5x5 men’s basketball bukas habang sa Disyembre 5 naman ang women’s sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Magkakaroon ng manager’s meeting ngayong araw para mapili ang papalit kay Roger Pogoy, na nawala sa line-up ng national matapos uminda ng bulged disc sa kanyang likod sa quarterfinals match ng TNT sa PBA. (FJosue, Jr.)
- Latest





















