Gazz Angels babawian ang Cool Smashers
MANILA, Philippines — Aminado si PetroGazz coach Arnold Laniog na ang kanilang mabagal na simula ang naging mitsa ng pagkatalo nila sa Creamline sa Game One ng Premier Volleyball League (PVL) Open Conference Finals kamakalawa.
Hindi nakaporma ang 2019 Reinforced Conference titlist na Gazz Angel nang madalian silang pinalubog ng nagdedepensang Cool Smashers, 14-25, 22-25, 25-27, at dagitin ang 1-0 bentahe sa serye.
Para kay Laniog, first set pa lamang ay nakita na nila ang mataas na kumpiyansa ng Creamline at mula roon ay talagang nahirapan na silang sabayan ang tropa ni coach Tai Bundit.
“Parang biglang nag-iba iyong hitsura eh. As much as possible, hindi natin puwedeng makita ‘yung Creamline na as early as first set, biglang nakita kaagad natin ‘yung kumpiyansa nila eh,” sabi ni Laniog. “Talagang credit talaga sa Creamline. Talagang gusto nilang manalo.”
Humanga rin si Laniog sa ipinakitang laro nina Alyssa Valdez at Jema Galanza para sa Cool Smashers.
“Talagang nakontrol nila kami sa attack, especially ‘yung dalawang wings (Valdez at Galanza), talagang nag-step up talaga,” dagdag nito.
Pipilitin ng Gazz Angels na mapahaba ang serye at makabawi man lamang kahit isang panalo sa tatlong beses nilang paghaharap sa liga.
Ngunit naniniwala si Laniog na kakayanin nilang maipanalo ang Game Two.
“Hindi pa nga kami nananalo sa tatlong game. But again, hindi pa rin naman natatapos doon. We have slim chances. Sabi ko nga sa players, once na pinanghawakan natin as a team ‘yun, kaya,” panapos ni Laniog.
Hahataw ang Game Two bukas.
- Latest