Sibak sina Orcollo, Pagulayan at Aranas
MANILA, Philippines — Tuluyan nang nasibak ang natirang tatlong Pinoy cue masters sa 2019 International 9-Ball Open na ginaganap sa Sheraton Norfolk Waterside Hotel sa Norfolk, Virginia.
Hindi na umusad sina dating world champion Dennis Orcollo, Fil-Canadian Alex Pagulayan at James Aranas matapos makalasap ng magkahiwalay na kabiguan sa losers’ bracket.
Iginupo ni Aranas si Orcollo sa pamamagitan ng 11-1 demolisyon ngunit bigo itong masundan ang magandang panalo matapos namang yumuko kay Jayson Shaw ng Scotland, 5-11.
Nagwagi naman si Pagulayan laban kay world titlist Darren Appleton ng Great Britain, 11-7, bago tumupi kay American Justin Bergman, 6-11. sa sumunod niyang laban.
Nauna nang namaalam sa kontensyon sina Lee Vann Corteza, Roberto Gomez at Roland Garcia.
- Latest