Prosper gagawing naturalized ng Indonesia
MANILA, Philippines — Pamilyar na import sa katauhan ni Lester Prosper ang sasandalan ng Indonesia para sa misyon nilang masilat ang Gilas Pilipinas sa darating na 30th Southeast Asian Games.
Kinumpirma ni coach Rajko Toroman ang hangad ng Indonesia na gawing naturalized player si Prosper para sa biennial meet na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Naging import si Prosper ng Columbian Dyip noong 2019 PBA Commissioner’s Cup.
Naglaro rin siya para sa San Miguel kasama si Dez Wells noong 2019 East Asia League Terrific 12 sa Macau, China kung saan sila pumang-apat sa 12 ball clubs sa Asya.
Sa naturang torneo rin na-scout ni Toroman, dating coach ng Gilas Pilipinas, si Prosper.
Pinalitan ni Prosper sa naturang posisyon si Denzel Bowles na dati ring PBA import.
Si Bowles ang naunang ikinunsidera ng Indonesia bilang naturalized player na hindi natuloy.
Hangad ng Indonesia na mabigyan ng magandang laban ang Gilas na mamanduhan ni 21-time PBA champion coach Tim Cone.
Noong 2017 SEA Games sa Malaysia ay tinalo ng Gilas ang Indonesia, 94-55, para sa gintong medalya.
- Latest