Maroons at Tamaraws kinumpleto ang Final Four
MANILA,Philippines — Naibulsa ng University of the Philippines at Far Eastern University ang kanilang ticket patungo sa Final Four sa Season 82 UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Ynares Center sa Antipolo City.
Isang go-ahead slam dunk ang isinalpak ni Kobe Paras para iligtas ang Fighting Maroons sa mapanganib na La Salle Green Archers, 71-68, at inilampaso ng Tamaraws ang University of the East Red Warriors, 82-58.
Inilayo ng dunk ni Paras mula sa magandang pasa ni Jun Manzo ang UP sa 70-68 sa huling 54.8 segundo ng fourth period para kunin ang second spot sa 9-4 record.
Binura ng La Salle ang 10-point deficit para sikwatin ang 64-62 kalamangan mula sa tatlong free throws ni Aljun Melecio sa 2:53 minuto.
Ngunit hindi nagpatibag sina Paras at Bright Akhuetie nang itarak ang 9-2 atake sa huling dalawang minuto ng fourth period tungo sa panalo ng Fighting Maroons.
“I mentioned to the guys we were not just fighting for the postion, but we we’re fighting for our survival as well. I just have to give honor to them, who just being warriors, Bright, Jun, everybody else who contributed.” sabi ni UP coach Bo Perasol
Nagsumite si Akhuetie ng 17 points, 10 boards at 2 assists at 2 steals, habang kumamada naman ng 12 markers, 5 boards at 2 assista si Ricci Rivero.
Hindi rin nagpahuli si Manzo na may 11 pointss, 5 rebounds at 8 assists.
Nabalewala ang double-double na 17 points at 11 rebounds ni Jamie Malonzo bukod pa ang 12 markers at 8 boards ni Melecio sa panig ng Green Archers.
Ligwak na ang La Salle sa Final Four bunga ng 6-7 marka.
Sa unang laro, sumandal muli ang FEU kina Wendell Comboy at rookie Royce Alforque para makuha ang tiket sa Final Four.
Nagrehistro si Comboy ng 17 points katuwang si Alforque na may 13 markers at 3 assists para sa 8-6 baraha ng Tamaraws. ()
- Latest