Sarno bumuhat ng dalawang ginto sa Asian Youth
MANILA, Philippines — Maganda ang hinaharap ng weightlifting sa Pilipinas matapos magpasiklab ang national junior weightlifting team na sumungkit ng dalawang ginto, tatlong pilak at tatlong tansong medalya sa 2019 Asian Youth and Junior Weightlifting Championships na ginaganap sa Pyongyang, North Korea.
Nangunguna sa listahan si Vanessa Sarno na isa sa itinuturing na susunod sa yapak ni 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz nang bumuhat ng dalawang ginto at isang pilak na medalya sa women’s youth 71 kg. division.
Nangibabaw si Sarno sa total makaraang magrehistro ng kabuuang 209 kgs., habang nanguna rin siya sa snatch tangan ang 91 kgs.
Sumegunda lamang si Sarno sa clean and jerk mula sa kanyang naitalang 118 kgs.
Nagdagdag naman si Chariz Macawili ng dalawang pilak at isang tanso sa women’s 40 kg. class.
Pumangalawa si Macawili sa total bunsod ng nakuha niyang 116 kgs., habang sumegunda rin siya sa clean and jerk bitbit ang 66 kgs.
Pumangatlo lamang si Macawili sa snatch nang iangat ang 50 kgs.
Nagdagdag ng tig-isang tanso sina Rosegie Ramos at Gizelle Anne Betua saevent na nilahukan ng mahigit 20 bansa sa rehiyon.
Nagkasya sa tanso si Ramos sa snatch nang magtala ng 76 kgs. sa women’s youth 49 kg. class, habang nagsumite si Betua ng 92 kgs. para makuha ang tanso sa clean and jerk sa women’s youth 55 kg. category.
- Latest