Letran kumapit sa 3rd
MANILA, Philippines — Muling pinadapa ng Letran Knights ang Arellano Chiefs, 97-84 kahapon upang manatili sa ikatlong puwesto sa pagpapatuloy ng Season 95 NCAA basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nagpa-ulan ang Knights ng 34 puntos sa ikatlong yugto tungo sa pagsungkit sa kanilang ika-sampung panalo para kumapit sa third spot sa 10-6 win-loss kartada sa likuran ng nangungunang San Beda Red Lions (15-0) at pumapangalawang Lyceum Pirates (11-3).
Umani si Bonbon Batiller ng 18 puntos, apat na assists at dalawang rebounds habang si Larry Muyang at Jeo Ambohot ay tumulong ng tig-15 puntos bawat isa upang bumangon sa dalawang sunod na talo.
Si Allen Mina ay tumipak din ng 12 puntos at tig-11 puntos naman sina Jerrick Balanza para sa Intramuros-based Letran na nakatikim ng 63-75 talo sa San Beda noong Martes at 90-97 talo sa Lyceum noong Septyembre 27.
Dahil sa kanilang ika-11th talo sa 15 laro (4-11), nanganganib na rin ang pag-asa ng Arellano na makapasok pa sa Final Four. Kailangan na ng tropa ni Arellano coach Cholo Martin na walisin ang huling tatlong laro para manatiling buhay ang pag-asa.
Sa juniors’ division, pinagtibay ng Arellano Braves ang asam na semifinal berth matapos paluhurin ang Letran Squires, 65-59 habang pinayuko naman ng SSC-R Staglets ang JRU Light Bombers, 94-91, upang umangat sa sosyohan sa ikatlong puwesto sa 8-6 slate.
Sa ikalawang laro, tinuldukan na ng San Sebastian Stags ang three-game losing skid matapos maka-eskapo kontra sa Jose Rizal Heavy Bombers, 62-59 para makopo ang pang-walong panalo at manatili sa pang-apat na puwesto.
- Latest