Tan aasahan sa SEAG bowling
MANILA, Philippines — Dalawang international tournaments at isang national competition ang pinagharian ni bowler Merwin Tan ngayong taon.
At kumpiyansa ang 20-anyos na Bowling World Cup qualifier na makakasama siya sa national team na sasabak sa darating na 30th Southeast Asian Games.
Apat na lalaki at apat na babaeng bowlers ang kakampanya para sa bansa sa nasabing biennial meet na nakatakda sa Nobyembre 30 hanggang Dis-yembre 11 at idaraos sa Starmall Bowling Center sa Mandaluyong City.
“All the tournaments that I have won made me more confident. I am determined to do my best in the upcoming Southeast Asian Games,” wika ni Tan.
Inangkin ni Tan ang mga gintong medalya sa nakaraang 51st Singapore International Open noong Hunyo at 20th Asian Youth Tenpin Bowling Championship sa Malaysia noong Mayo.
Ibinulsa naman ni Tan ang men’s open masters crown ng Philippine International Open kamakailan sa Mandaluyong City.
Tansong medalya naman ang sinikwat ni Tan sa Under-22 event ng 5th Fukuoka Summer Cup Bowling noong Agosto.
Matapos ito ay dinomina ni Tan ang 1st METBA-Davao Kadayawan Bowling Open Championships sa Davao City.
“I feel I’m not in my peak yet, because I am just doing my best in every competition I play,” wika ni Tan.
Maliban kay Tan, ang iba pang inaasahang bubuo sa national team para sa 2019 SEA Games ay sina Kenneth Chua, Alexis Sy, Lara Posadas, Patrick Nuqui, Liza Del Rosario, Frederick Ong at Raoul Miranda.
- Latest