3-gold medals sa Cainta swimmer
Puerto Princesa, Palawan – Sa unang araw pa lamang ay lumangoy agad ng tatlong gintong medalya si Aubrey Tom ng Cainta, Rizal habang nasungkit ni Lheslie De Lima ng Camarines Sur ang unang ginto sa athletics kahapon sa 2019 Batang Pinoy National Finals sa Ramon V. Mitra Jr. Sports Complex dito.
Dinomina ng 12-anyos na si Tom ang girls 12-year and under 200-m individual medley sa oras na 2:32.30 at sinundan sa kanyang panalo sa 100-m freestyle (1:03.57) at 50-m backstroke (33.55) ng swimming event sa RVMJ aquatic center.
“I really did not mind the other swimmers. I just focus to my own. That’s what my mom also told me to just swim ang enjoy the fun. That’s what I also did,” sabi ni Tom na isang Grade VII estudyante sa UP Integrated School.
Hangad ni Tom na ulitin ang kanyang five-gold haul sa nakaraang 2019 Palarong Pambansa sa Davao City sa huling dalawang events na kanyang sasalihan sa Batang Pinoy competition.
Nasungkit naman ng 14-anyos na si De Lima, apo ni Sen. Laila De Lima, ang unang ginto sa anim na araw na paligsahan matapos muling angkinin ang ginto sa girls 800-m run sa oras na 2:22.5 sa RVMJ athletic oval.
Ito na ang kanyang ikalawang sunod na panalo pagkaraang pagbidahan ang nasabing event sa BP national finals sa Tagum, Davao del Norte noong nakalipas na taon. Siya rin ang reyna sa naturang event noong nakaraang Davao Palarong Pambansa.
“Kulang ako sa preparasyon dahil nagkaroon ako ng pulikat pagkatapos sa ASEAN School Games sa Indonesia noong nakaraang buwan kaya hindi ko na inaasahan na mananalo pa rito sa Batang Pinoy,” ayon naman kay De Lima na isang Grade 9 estudyante sa Baao National High School.
Hindi naman nagpahuli ang 12-anyos na si Marc Bryant Dula pagkaraang itakas ang dalawang ginto mula sa 12-year and under boys 50-m backstroke sa 31.10 segundos at 100-m butterfly sa oras na 1:04.55 minuto
“Para po to kay coach Susan Papa kaya gagawin ko lahat na mananalo sa anim na events na sasalihan ko sa kumpetisyong ito,” pahayag ni Dula na makakatanggap ng Siklab Youth Awards ngayong Setyembre 2 sa Market! Market! ng Taguig City.
- Latest