Marinero, Black Mamba nagpasiklab
MANILA, Philippines — Dinaig ng Marinerong Pilipino at Black Mamba ang kanilang mga katunggali para sa maugong na panimula ng kanilang kampanya sa 2019 PBA Developmental League Foundation Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Tinamabakan ng Skippers ang Hazchem, 118-71 habang binura naman ng Black Mamba ang 18-puntos na fourth quarter deficit upang silatin ang Alberei Kings, 86-82.
Umiskor lahat ang 12 manlalaro ng Skippers sa pangunguna ni dating PBA player Eloy Poligrates na kumamada ng 19 puntos, apat na rebounds, anim na assists at apat na steals.
Nagbaba naman ng double-double na 10 puntos at 13 rebounds si William McAloney habang may 10 puntos at dala-wang steals si ex-pro Mark Yee sa loob lamang ng anim na minutong aksyon.
“Magandang simula ito kaya sabi ko lang sa kanila basta healthy kami at kumpleto kada-laro, maganda ang tsansa namin ngayong conference,” ani Marinerong Pilipino mentor Yong Garcia sa kanyang koponan na nakasalo sa tuktok ng Group A kasama ang CEU hawak ang parehong 1-0 baraha.
Matapos hindi makasali sa unang conference, ipinakita agad ng Skippers ang gigil nito sa kanilang pagbabalik nang tabunan agad ang Hazchem, 56-31 sa first half na pinalobo pa nila hanggang sa 52 puntos (114-62) bago magkasya sa 47-puntos na tagumpay.
Tanging si team captain Raymark Matias lamang na may 17 puntos ang nakapagpasiklab para sa Green Warriors na nahulog sa 1-1 baraha sa Group A.
Bagama’t bagito pa lang sa liga, pinatunayan ng Black Mamba na hindi sila pasisindak basta-basta matapos na umahon mula sa 19-puntos na pagkakaiwan, 61-79, sa huling minuto ng laban.
Nanguna sa comeback win ng Black Mamba sa si Dahrrel Caranguian na nagpakawala ng 22 puntos at pitong rebounds kabilang na ang nagliliyab na tres para sa tuldukan ang mainit na 21-0 ratsada ng koponan para sa 82-79 abante.
Sumuporta naman sa kanya sina Clark Derige na may 14 puntos at 11 rebounds habang may 10 puntos din si John Tayontong.
Nauwi naman sa wala ang 23 puntos, 10 rebounds at apat na assists ni dating PBA player Reil Cervantes na nahulog sa 9-2 baraha sa Group B.
BLACK MAMBA 86 - Caranguian 22, Derige 14, Tayongtong 10, Balucanag 8, Bolos 7, Vidal 5, Sison 5, Carongoy 4, Castro 4, Medina 4, Gadon 3.
ALBEREI 82 - Cervantes 23, Parreno 15, Velasquez 13, Manzo 11, Abad 6, Tano 4, Yasa 3, Ollano 3, Tomilloso 2, Diaz 2.
Quarters: 26-23, 51-55, 59-73, 86-82.
MARINERONG PILIPINO 118 - Poligrates 19, Alabanza 17, Sara 12, Rios 11, McAloney 10, Diputado 10, Yee 10, Arim 8, Solis 7, Clarito 7, Juanico 4, Saguiguit 3.
HAZCHEM 71 - Matias 17, Acain 9, Caparida 9, Elmejrab 8, Trinidad 8, Dagupio 6, Sicat 5, Serrano 5, Adviento 3, Moraga 1.
Quarters: 26-16, 56-31, 86-53, 118-71.
- Latest