CEU at Ateneo lumapit sa finals
MANILA, Philippines — Umeskapo ang kulang-kulang ngunit palaban na Centro Escolar University kontra sa St. Clare College-Virtual Reality, habang tinambakan naman ng Cignal-Ateneo ang Valencia City Bukidnon-SSCR para makasikwat ng 1-0 kalamangan sa kani-kanilang best-of-three semifinal series sa 2019 PBA Developmental League kahapon sa Paco Arena sa Maynila.
Sa ikalawang sunod na laban ay nagparada lang ng pitong manlalaro ang Scorpions subalit hindi pa rin ito naging hadlang matapos makuha ang dikit na 76-75 panalo kontra sa Saints.
Bumida para sa CEU si Rich Guinitaran na nagsalpak ng winnng layup sa huling 13. 7 segundo upang hilahin sa muntikang pagkulapso ang koponan matapos lumamang sa huling limang minuto ng laban.
Sumuporta naman sa kanya si Senegalese center Maodo Malick Diouf na nagtala ng 16 points at 8 blocks kabilang na ang bagong PBA D-League record na 33 rebounds sa 40 minutong aksyon.
Ito ang ikalawang sunod na laro na hindi nagpahinga kahit isang segundo si Diouf matapos pamunuan ang CEU sa 84-74 ‘do-or-die’ win kontra sa Go For Gold noong nakaraang Linggo sa quarterfinals upang makapasok sa Final Four.
Dahil dito, lumapit sa Finals ang Scorpions kahit pilay ang roster nila matapos mawala ang walong manlalaro na iniimbestigahan ng pamantasan bunsod ng game-fixing scandal.
“You have to give it to the boys. Though were just playing with just seven guys, I told them when we step inside the court, it’s all about winning,” wika ni CEU head coach Derrick Pumaren.
Sumuporta naman kina Guinitaran at Diouf sina Kurt Sunga at Franz Diaz na may 16 at 13 points, ayon sa pagkakasunod.
Sa kabilang banda, nabasura naman ang 18 markers ni Irven Palencia gayundin ang 14 points ni Joshua Fontanilla para sa Saints na naagaw ang 75-74 abante sa huling 51 segundo matapos maiwan sa 57-68 sa kalagitnaan ng final canto.
Samantala, umiskor naman ng malaking 105-67 panalo ang Cignal-Ateneo kontra sa Valencia City-SSCR para madagit ang 1-0 abante sa kanilang sariling Final Four series.
Nanguna para sa Blue Eagles si Ivorian big man Ange Koaume na may 19 points, 20 rebounds at 4 blocks sa loob ng 23 minutong aksyon.
Nag-ambag din ng 12 at 11 points sina Mike Nieto at Jolo Mendoza, ayon sa pagkakasunod, habang may tig-10 markers sina Thirdy Ravena at Matt Nieto para sa balanseng atake ng Ateneo.
Hindi nagkasya ang 24 at 23 points nina RK Ilagan at Allyn Bulanadi, ayon sa pagkakasunod, para sa Golden Harvest.
- Latest