7 gold medals kay Barreto
2019 palarong Pambansa
Davao City, Philippines — Lumangoy ang 14-anyos na si Miguel Barreto ng National Capital Region ng kabuuang pitong gintong medalya upang angkinin ang karangalan bilang Most Bemedalled Swimmer sa pagtatapos kahapon ng 2019 Palarong Pambansa sa University of the Philippines-Mindanao Sports Complex dito.
Mahigit apat na buwan bago ang kanyang ika-15 kaarawan, pinagharian ni Barreto ang secondary boys 400-m freestyle, 200-m butterfly, 1500-m freestyle, 100-m butterfly, 200-m freestyle, 400-m freestyle relay at 400-m medley relay.
Dalawa sa kanyang pitong ginto ay mga bagong meet record ng taunang Palaro, ang una ay sa 200-m freestyle (1:56.07) at ang ikalawa ay sa 100-m butterfly (57.30).
“My goal right now is really to be in the 2020 Olympiad. I hope I can qualify,” sabi ni Barreto na ipinanganak sa Malolos City, Bulacan at lumaki sa Quezon City.
Bukod kay Barreto, nakakuha rin ng tig-anim na ginto ang kanyang mga teammates na sina Xiandi Chua (secondary girls 300-m breaststroke, 200-IM, 400-m medley relay , 400-IM, 200-m freestyle at 400-m freestyle relay) at Joaquin Philip Santos (secondary boys 100-m backstroke, 200-m IM, 400-m medley relay, 200-m backstroke, 400-IM, 400-m freestyle relay). Sina Chua at Santos ay mayroon pang tig-da-lawang panibagong meet records sa Palaro.
Dinomina ng powershouse NCR ang medal-rich swimming matapos mag-uwi ng 35 gintong medalya o kalahati sa kabuuang 70 events ng aquatic competition. Kasunod ng NCR ang Calabarzon na mayroong siyam na ginto habang tig-lima naman ang Northern Mindanao at Western Visayas.
Nakakuha rin ng tig-apat na ginto sa swimming ang Central Luzon at Soccsargen at tig-dalawa naman ang Bicol Region, Mimaropa at host Davao Region. Ang Ilocos Region ay nag-uwi lamang ng isang ginto sa aquatic event.
Samantala, abot kamay na ng NCR ang kanilang pang-22nd sunod overall championship trophy sa prestihiyosong Palarong Pambansa sa kanilang 82-70-54 gold-silver-bronze tally. Pumapangalawa ang Calabarzon (63-48-70) kasunod ang Western Visayas (47-34-57), Soccsargen (26-43-40), Bicol Region (23-22-30), Central Visayas (23-21-33), Central Luzon (22-28-32), Northern Mindanao (17- 26-26), Ilocos Region (16-12-21), Cordillera (14-13-23), Davao Region (13-22-34) at Eastern Visayas ( 11-8-19).
Ang mga resulta sa mga ball games na lamang ang hinihintay habang sinusulat ang istor-yang ito.
- Latest

















