Pagulayan sinargo ang tiket sa Last 8 ng World Pool
MANILA, Philippines — Lumilipad pa rin ang bandila ng Pilipinas matapos makahirit ng tiket sa quarterfinals si Filipino-Canadian Alex Pagulayan sa prestihiyosong 2019 World Pool Masters na ginaganap sa Victoria Stadium sa Gibraltar.
Ginamitan na ng 2005 Southeast Asian Games triple gold medalist na si Pagulayan ng malalim na karanasan para ilusot ang dikdikang 7-6 panalo laban kay Ko Pin Yi ng Chinese-Taipei.
Target ni Pagulayan na maipagpatuloy ang magandang ratsada sa Final 8 sa pakikipagtuos kay 2017 Aramith Masters champion Eklent Kaci ng Albania.
Pumasok si Kaci sa quarterfinals matapos gulantangin si Jayson Shaw ng Scotland mula sa 7-2 panalo.
Nakahirit din ng tiket sa quarterfinals sina David Alcaide ng Spain, Shane Van Boening ng Amerika, Alexander Kazakis ng Greece, Matt Edwards ng New Zealand, Albin Ouschan ng Austria at Skyler Woodward ng Amerika.
Iginupo ni Alcaide si Niels Feijen ng Netherlands (7-3), pinatalsik ni Van Boening si Han Yu ng China (7-6), tinalo ni Kazakis si Justin Sajich ng Australia (7-3), wagi si Edwards kay Konrad Juszczyszyn ng Poland (7-6), nanaig si Ouschan kay Joshua Filler ng Germany (7-6) at namayani si Woodward may Fedor Gorst ng Russia.
Maliban sa Pagulayan-Kaci game, magtatapat din sa quarterfinals sina Alcaide at Van Boening gayundin sina Kazakis at Edwards at sina Ouschan at Woodward.
Gagamitin ang race-to-seven format hanggang quarterfinals at race-to-eight ang semifinals at race-to-nine ang finals.
- Latest