UVC tangkang agawin ang No. 3
MANILA, Philippines – Sasarguhin ng United Volley Club ang ikatlong puwesto sa pagsagupa nito sa Generika-Ayala ngayong araw sa 2019 Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.
Magpapang-abot ang United VC at Generika-Ayala sa alas-2 ng hapon na susundan ng duwelo ng Cignal at Foton sa alas-4:15 at ng Sta. Lucia Realty at PLDT Home Fibr sa alas-7 ng gabi.
Kasalukuyang okupado ng United VC ang No. 4 spot tangan ang 5-4 baraha sa ilalim ng nagungunang Petron (10-0), F2 Logistics (8-2) at PLDT (6-5).
Mataas ang moral ng United VC matapos palugmukin ang Cignal HD sa kanilang huling laro sa bisa ng 14-25, 25-21, 25-21, 26-24 panalo.
Tiwala si United VC head coach Joshua Ylaya na mauulit ng kanyang tropa ang 25-23, 17-25, 25-22, 23-25, 15-11 panalo sa Lifesavers sa first round ng eliminasyon.
“We’ll definitely prepare for Generika-Ayala. This is a very hungry team. They had some good games and they just got out of the slump. We have to give our best because winning over them takes a lot,” ani Ylaya.
Walang iba kundi si star spiker Kalei Mau ang mangunguna sa opensa ng United VC kasama sina Filipino-American setter Alohi Hardy-Ro-bins, American imports Tai Manu Olevao at Yaasmeen Bedart-Ghani.
Sa kabilang banda, uhaw ang Lifesavers sa panalo matapos malugmok sa ilalim ng standings hawak ang 2-7 baraha.
Kaya naman aariba ng husto sina Thai Kanjana Kuthaisong at Azerbaijani Kseniya Kocyigit para buhatin ang Generika-Ayala sa panalo.
- Latest