Pingris ‘di pa alam kung kailan babalik
MANILA, Philippines — Taliwas sa inaasahan ng marami, wala pang tiyak na petsa ang pagbabalik ni Marc Pingris para sa Magnolia na nagkukumahog ang kampanya sa idinaraos na 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup.
Ito ang inihayag ni head coach Chito Victolero sa gitna ng problema ng Hotshots matapos ang isa na namang masakit na kabiguan kontra sa league-leader na Phoenix, 87-89 kamakalawa na siyang nagbaon sa kanila sa team standings ng All Filipino Conference.
“Si Ping wala pa kaming balita. And I don’t know kung kailan siya makakabalik,” ani Victolero na kailangan na ng tulong ng 37-anyos na beterano ngayon.
Matapos kasing magwagi ng titulo noong nakaraang conference lang sa Governors’ Cup, sumadsad ang Hotshots ngayon na may 1-4 baraha para sa ika-11 na puwesto ng team standings at nanganganib na hindi makapasok sa playoffs ng naturang Philippine Cup kung saan finalist sila noong nakaraang taon.
At bagamat malaking bahagi sana ng koponan ang beteranong si Pingris, mas gusto naman ni Victolero na hindi madaliin ang kanyang pagbalik at sasandal na lang muna sa mga natitirang manlalaro na sina Ian Sangalang, Paul Lee, Rome Dela Rosa, Jio Jalalon at Mark Barroca.
“Kung sino na lang muna ang nandiyan, yun lang muna ang focus namin,” aniya.
Magugunitang nitong mga nakaraang buwan ay napaugong ang napipintong pagbabalik ni Pingris ngayong Marso subalit naurong ulit ito at hindi pa alam kung kailan magiging handang maglaro ulit.
Bagamat injured, napili pa rin si Pingris bilang isa sa manlalaro ng North All Stars sa paparating na 2019 PBA All Star Weekend sa kanyang hometown sa Calasiao, Pangasinan.
- Latest