Tatlo silang no. 1
MANILA, Philippines — Dinagit ng Ateneo de Manila University 25-15, 25-21, 25-16 panalo laban sa University of the East upang maipuwersa ang three-way tie sa No. 1 spot sa UAAP Season 81 women’s volleyball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kinailangan lamang ng Lady Eagles ng 75 minuto para patumbahin ang Lady Warriors at sumulong sa 3-1 marka at samahan sa unahan ng standings ang nagdedepensang De La Salle University at University of the Philippines na may katulad na baraha.
Pumalo si opposite hitter Kat Tolentino ng 13 hits mula sa walong attacks, tatlong blocks at dalawang aces habang naglista naman si Maddie Madayag ng 11 markers kabilang ang walong spikes.
Nagawang dominahin ng Lady Eagles ang laro matapos magpasabog ng 38 attacks habang nag-lista rin ito ng walong blocks at limang aces.
“We were challenged that we have to win convincingly today and they really worked hard for it for one week without a game. We sacrificed a lot but we still need to improve in all aspects especially in volleyball fundamentals,” ani Ateneo coach Oliver Almadro.
Umani ang Lady Warriors ng ikatlong kabiguan para sa 1-3 marka.
Tanging si Judith Abil lamang ang nagtala ng double digits para sa UE habang nalimitahan sa siyam si outside hitter Mary Ann Mendrez na may iniindang shoulder injury.
Sa men’s division, mabilis na pinabagsak ng National University ang Adamson University, 25-22, 25-18, 25-16, para maikonekta ang kanilang ikatlong sunod na panalo.
Rumatsada ng husto si Season 80 Finals MVP Bryan Bagunas nang kumana ito ng 19 attacks at limang blocks para dalhin ang Bulldogs sa 3-1 marka.
Lumasap ng unang kabiguan sa apat na laro ang Soaring Falcons (3-1) dahilan para makasampa sa sosyong No. 2 spot ang Bulldogs.
Wagi rin ang Ateneo sa UE, 25-22, 25-19, 25-11, tungo sa 2-2 baraha.
Nahulog ang Red Warriors sa 1-3.
Sa ikalawang laro, nasikwat ng Adamson University ang 25-15, 25-19, 25-22 desisyon laban sa National University upang bigyan ng magandang pambungad si coach Onyok Getigan na siyang bagong mentor ng Lady Falcons.
Si Getigan ang humalili kay dating coach Air Padda na magsisilbi na lamang bilang conditioning coach.
Parehong may 1-3 ang Adamson at NU.
- Latest