UVC, PLDT target ang win No. 3
MANILA, Philippines — Ikatlong panalo ang parehong tatargetin ng United Volley Club at PLDT Home Fibr sa pagsagupa sa magkaibang karibal sa pagdayo ng Philippine Superliga Grand Prix na dadayo sa Malolos Sports and Convention Center sa Bulacan.
Titipanin ng United VC ang Generika-Ayala sa alas-6 ng gabi matapos ang pukpukan ng PLDT at Sta. Lucia Realty sa alas-4 ng hapon. Magtutuos naman ang Cignal at Foton sa alas-2.
Magkasalo ang United at PLDT sa No. 4 spot sa magkatulad na 2-2 marka habang nangunguna ang Petron at F2 Logistics na may parehong 4-0 kartada kabuntot ang Cignal na umangat sa 3-2.
Balik sa winning track ang United nang iselyo nito ang 25-22, 25-13, 29-27 panalo laban sa Cignal kung saan bumandera sina import Yasmeen Bedart-Ghani at Filipino-American Kalei Mau.
“This is a statement win. Our loss to F2 Logistics served as motivation for us to do better. We need that kind of game to test the character of this young team and I’m proud that they stuck together, especially down the stretch,” ani United VC coach Joshua Ylaya.
Ngunit mapapalaban ang United VC sa Generika-Ayala na uhaw na makakuha ng unang panalo matapos lumasap ng apat na sunod na kabiguan.
Dinapuan ng malas ang Lifesavers matapos magtamo ng ankle injury si Brazilian spiker Nikolle del Rio sa kanilang opening match.
Dahil dito, puwersado ang Generika-Ayala na palitan si Del Rio ni Thai star Kanjana Kuthaisong na siyang makakatuwang ni Azerbaijani import Kseniya Kocyigit.
Kailangan din nina local stars Patty Orendain, Fiola Ceballos at Ria Meneses na kumayod ng husto upang maibalik sa porma ang Lifesavers.
Nangangapa pa si Kuthaisong na nagtala lamang ng 13 points sa 25-19, 17-25, 15-25, 19-25 pagkatalo ng Lifesavers sa Cignal noong Martes.
Sa kabila ng 0-4 marka, optimistiko pa rin si Me-neses dahil alam nito ang kapasidad ng kaniyang mga bataan.
- Latest