Stalzer nagbida sa panalo ng F2 Logistics
MANILA, Philippines — Magarbo ang simula ni American import Lindsay Stalzer nang dalhin ang F2 Logistics sa 23-25, 25-23, 25-21, 25-22 panalo laban sa United VC sa Philippine Superliga Grand Prix sa The Arena sa San Juan City kahapon.
Hindi nakapaglaro si Stalzer sa unang dalawang pagsalang ng Cargo Movers kaya’t ibinuhos niya ang buong lakas upang kumubra ng 30 points mula sa 25 attacks at 5 blocks.
Nakatuwang ni Stalzer si Becky Perry na nag-ambag ng 16 markers para sa Cargo Movers na maikonekta ang ikatlong sunod na panalo at sumalo sa liderato sa nagdedepensang Petron Blaze Spikers para sa parehong 3-0 marka.
Ikinatuwa ni F2 Logistics coach Ramil de Jesus ang pagdating ni Stalzer lalo pa’t solido ang lineup ng UVC na binubuo ng US NCAA Division I standouts kagaya nina Fil-Ams Kalei Mau at Alohi Robbins-Hardy katuwang sina imports Tai Manu-Olevao at Yaasmeen Bedart-Ghani.
“If Lindsay wasn’t here, we would have probably lost, 3-0. UVC is really a strong team that is only starting to know each other,” ani De Jesus.
Matapos ang 1-1 pagtabla sa set ay umariba ang Cargo Movers sa likod nina Stalzer at Majoy Baron para makuha ang 23-19 bentahe sa third set.
- Latest