F2 makikisosyo sa liderato sa pagharap sa UVC
MANILA, Philippines — Hangad ng F2 Logistics na makisalo sa liderato sa pagharap sa United Volley Club sa Philippine Superliga (PSL) Grand Prix sa The Arena sa San Juan City.
Makakatipan ng F2 ang UVC ngayong alas-2 kasunod ang pukpukan ng Foton at PLDT sa alas-4:15 at ang duwelo ng Generika-Ayala at Cignal sa alas-7 ng gabi.
Masisilayan sa unang pagkakataon si Most Valuable Player Lindsay Stalzer suot ang jersey ng Cargo Movers.
Sa kabila ng pagkawala ni Stalzer ay nagawa ng F2 na makakuha ng dalawang sunod na panalo upang upuan ang No. 2 spot sa ilalim ng nangungunang Petron na may imakuladang 3-0 baraha.
Mapapalaban ang Cargo Movers sa United na nagtataglay din ng solidong line-up sa season na ito.
Matikas ang laro nina American reinforcements Yaasmeen Bedart-Ghani at Shar Lata Manu-Olevao, ngunit dagdag puwersa pa sina Filipino-Americans Kalei Mau at Taira Robins-Hardy na parang import din kung maglaro.
Kailangan lamang ng sapat ng suporta mula kina Justine Tiu at Arianne Angustia gayundin kina libero Dancel Dusaran at Sheila Marie Pineda.
Target naman ng Cignal na makuha ang ikatlong sunod na panalo para umangat ang kanilang baraha.
Ayon kay Cignal coach Edgar Barroga, nakakasabay na sina Rachel Anne Daquis, Mylene Paat at setter Acy Masangkay sa kanilang imports na sina American Erica Wilson at Azerbaijani Anastasia Artemeva.
Nasilayan ito sa 23-25, 25-11, 25-16, 25-23 panalo ng HD Spikers laban sa Lady Realtors kung saan nasa open positions sina Wilson at Artemeva, habang opposite naman si Paat.
“That combination led us to a win over Sta. Lucia. We’re starting to jell and our local players are already getting used to playing with our imports. It’s a good sign. It means that they are very committed to winning,” ani Barroga.
Subalit kailangan pa rin ng Cignal na mag-ingat dahil hindi basta-basta susuko ang Generika-Ayala na uhaw makakuha ng panalo matapos yumuko sa kanilang tatlong unang pagsalang.
Pilay ang Lifesavers matapos ma-injure si Brazilian import Nikolle del Rio.
Kaya’t aasahan ni Lifesavers head coach Sherwin Meneses sina local players Marivic Meneses, Patty Orendain at Fiola Ceballos para makatulong sa kanilang natirang import na si Kseniya Kocyigit ng Azerbaijan.
- Latest