‘Girl Power’ itatampok ngayon sa PSA Awards
MANILA, Philippines — Magsasama-sama ang mga top achievers ng 2018 sa kanilang pagkikita sa SMC-PSA (Philippine Sportswriters Association) Annual Awards ngayong gabi sa Centennial Hall ng makasaysayang Manila Hotel.
Sina Olympic Games weightlifter Hidilyn Diaz, skateboarder Margielyn Didal at ang golf trio nina Yuka Saso, Bianca Pagdanganan at Lois Kaye Go ang magiging bida sa two-hour affair na inihahandog ng Milo, Cignal TV at Philippine Sports Commission sa pagtanggap nila ng Athlete of the Year honor na tradisyunal na iginagawad ng pinakamatandang media organization sa bansa.
Ang lima ang nagbigay ng apat na gold medals ng bansa sa nakaraang 18th Asian Games sa Jakarta at Palembang, Indonesia noong nakaraang taon.
Ito ang ikalawang pagkakataon na tatanggapin ng 28-anyos na si Diaz, ang silver medallist noong 2016 Rio De Janeiro Olympics, ang pinakamataas na karangalang ibinibigay ng Philippine sportswriting fraternity, habang ito naman ang kauna-unahan nina Didal, Saso, Pagdanganan at Go.
Sasamahan nina PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez at Philippine Olympic Committee president Ricky Vargas ang PSA sa ilalim ng pangulo nitong si Eduardo ‘Dodo’ Catacutan ng SPIN.ph. sa pagbibigay parangal sa mga personalidad at grupong nag-angat sa bansa sa nakalipas na taon.
Ang Olympian at multi-titled gymnast at taekwondo jin na si Bea Lucero-Lhuillier ang tatayong special guest of honor at speaker sa gala night na suportado din ng Philippine Basketball Association, Mighty Sports, Rain or Shine, Chooks To Go, NorthPort, Tapa King at SM Prime Holdings.
Sina bowling great Olivia ‘Bong’ Coo at cycling legend Paquito Rivas ang tatanggap ng Lifetime Achievement Award, habang ang National Golf Association of the Philippines (NGAP) ang napiling National Sports Association of the Year.
Si Enrique Razon Jr. ng ICTSI ang gagawaran ng Executive of the Year Award at ang undefeated reigning UAAP women’s basketball champion National University Lady Bulldogs ang bibigyan ng President’s Award.
Ipapamahagi din ang mga Special Awards kagaya ng Mighty Sports Mr. Basketball (June Mar Fajardo), Mr. at Ms. Volleyball (Marck Espejo at Jaja Santiago) at Mr. Football (Neil Etheridge) pati na ang Mr. Fan Favorite ‘Manok Ng Bayan’ Award (Kai Sotto) at isang Special Recognition on Sports Journalism (Lito Tacujan).
Sina Alexandra Eala at Daniel Quizon ang kikilalaning Milo Male and Female Athletes of the Year, samantalang ang mga Tony Siddayao Awardees ay kinabibilangan nina Jessel Lumapas, Micaela Jasmine Mojdeh, Marc Bryan Dula at Czerrine Ramos.
Ibibigay din ang mga major awards at citations sa iba’t ibang sports at mag-aalay ng panalangin para sa mga sports personalities na namayapa.
- Latest